Umano'y lider ng robbery, gun-for-hire group patay sa Iloilo

Nony Basco, ABS-CBN News

Posted at Aug 14 2020 02:19 PM

ILOILO - Patay ang umano'y lider ng isang robbery at gun-for-hire group matapos maka-engkuwentro ang mga pulis sa bayan ng Calinog, Iloilo Biyernes ng umaga.

Nakipagbarilan umano si Jenel Chiva sa mga awtoridad nang ihain ang arrest warrant para sa kasong murder sa kaniyang bahay sa Barangay Agcalaga.

Ayon kay Police Col. Gilbert Gorero, tagapagsalita ng Police Regional Office (PRO) Western Visayas, itinuturing na top most wanted person ng lalawigan ang suspek dahil sangkot umano ito sa mga insidente ng panghoholdap at pagpatay.

Narekober ng mga pulis sa pinangyarihan ng engkuwentro ang baril at granada na pag-aari umano ni Chiva.

"Na-dismantle na natin ang isang criminal gang dahil mismo ang kanilang lider ang napatay," ani Gorero.

Ilang miyembro rin ng Chiva robbery at gun-for-hire group ang napatay ng mga pulis ilang taon na ang nakalipas.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.