BAGUIO CITY — Nagbawas na muna ng teaching at non-teaching staff ang ilang eskuwelahan sa Cordillera region dahil umano sa mababang bilang ng enrollees kasabay ng hagupit ng pandemyang COVID-19.
Wala pang datos ang Commission on Higher Education (CHED) pero malaki daw ang posibilidad na mas mababa ang bilang ng enrollees ngayong school year.
Sa isang unibersidad na ayaw magpapangalan, halimbawa, aminado ang pamunuan na nabawasan nang 40 percent ang enrollees.
Dahil dito, may ilang private schools na ang nagbawas ng teaching at non-teaching personnel.
"Ang mga private schools kasi natin ay nagdedepende doon sa tuition fee na masisingil nila sa mga estudyante. So mostly, if not all ng private HEIs (higher education institution) natin sa Cordillera and other parts of the country medyo yun ang problema nila... papaano ma-maintain yung kanilang employees at kung papaano rin makapag-provide ng quality education despite itong challenges ng COVID-19," ani CHED officer-in-charge regional director Danilo Bose.
Isa sa mga natanggal na teaching personnel si Jay Dalupang. Nagtuturo siya ng business management.
"Inevitable din naman po na magbabawas ng teachers ang mga schools natin and unfortunately isa po tayo sa mga affected na faculty members," aniya.
Kasalukuyan pa ang pagkakalap ng datos ng CHED kung gaano karami ang mga school staff na nawalan ng trabaho
May plano ang ahensya na magkaroon ng programa na tutulong sa kanila.
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.
PatrolPh, Tagalog news, balita, CHED, pandemic, school, universities, edukasyon