PatrolPH

DepEd inurong ang pagbubukas ng klase sa Oktubre 5

ABS-CBN News

Posted at Aug 14 2020 02:42 PM | Updated as of Aug 14 2020 09:05 PM

Watch more on iWantTFC

MAYNILA (UPDATE) — Sa Oktubre 5 na ang pagbubukas ng klase sa Pilipinas, sabi ng Department of Education (DepEd) nitong Biyernes, mula sa dating Agosto 24 na itinakda ng kagawaran.

Sa pahayag ni Education Secretary Leonor Briones, sinabi niyang inaprubahan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang rekomendasyon nila na iurong ang class opening dahil na rin sa epekto ng modified enhanced community quarantine (MECQ) sa paghahanda.

"We will implement such a decision to defer school opening to October 5 pursuant to Republic Act No. 11480," ani Briones.

Nakatakda sana sa Agosto 24 ang pagbubukas ng klase, kung saan blended learning ang gagamitin dahil sa pandemya.

Kabilang sa mga materyal na gagamitin sana ang online, TV, radyo, modules, o iba pa.

Gayunman, maraming grupo at sektor ang umaalma at nanawagang iatras o kanselahin ang school year.

Batay sa datos ng DepEd, nasa 23 milyong estudyante ang nag-enroll para sa paparating na school year, mas mababa sa mga nakalipas na taon.

Sinabi rin ng DepEd na tinatayang nasa 4 milyon ang magiging out of school youth ngayong may pandemya.

Kasama sa inatras na school opening ang mga pribadong paaralan na hindi pa nakakapagsimula ng klase.

Pero kung nakapagsimula na sila ng kanilang school year, di na nila kailangang itigil ito.

ILANG MAGULANG NATUWA

Ikinatuwa naman ng ibang magulang ang anunsyo, pero mayroon ding nanghinayang.

Welcome naman ito sa mga grupo ng teacher.

"Nagpapasalamat at least pinakinggan kami ng Malacañang, magkakaroon ng oras para makapaghanda," ani Benjo Basas, chairman ng Teachers' Dignity Coalition.

"Sana igugol na ang paghahanda para seryosong matugunan yung mga hinaing ng mga guro at magulang. Kailangan may sapat na proteksyon, sapat na gamit. Sana maibigay nang buong buo ang pangangailangan ng education sector," ani Raymond Basilio, secretary general ng Alliance of Concerned Teachers.

Dahil naurong ang school opening, mag-a-adjust din ang ahensya ng school calendar. Tatanggap din sila ng late enrollment.

Iginiit ng DepEd na kahit sa Oktubre na magbubukas ng klase, wala pa ring face to face classes hangga't wala pang bakuna.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.