Babae timbog sa umano'y investment scam; higit P10 milyon natangay

ABS-CBN News

Posted at Aug 14 2020 08:24 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA —Isang babae ang inaresto ng National Bureau of Investigation (NBI) matapos makapanloko at makatangay ng P10 milyon mula sa mga biktima sa isang investment scam.

Agad pinaligiran ng NBI Anti-Organized and Transnational Crimes Division ang suspek na si Sha Punzalan at ang kaniya umanong kasabwat sa isang entrapment operation sa Malate.

Tinanggap nila umano sa parking area ang P2 milyon mula sa biktima na investment sana para sa lending business ni Punzalan.

Pagdating sa NBI, sinalubong si Punzalan ng galit ng iba pang biktima.

"Nasaan ang konsensya mo? Kinuha mo ang pera namin. Ngayong pandemya ganyan pa ang ginawa mo," sabi ng biktima.

Walang kita ngayong pandemya ang marketer na si Maria Theresa Laming.

Ang masaklap pa rito ay nag-invest siya kay Punzalan ng P720,000 at umasang tatanggap siya sa pinangakong kita na 20 percent kada 2 buwan.

"Pinaghirapan namin ang pera na yan. Para sa pamilya namin dapat yan. Anong akala mo? Dinampot lang namin yan?" ani Laming.

Itinanggi naman ni Punzalan ang mga paratang.

"Hintaying ko na lang po ang abogado ko."

Ayon sa NBI, mahigit P10 milyon ang nakuha ni Punzalan mula sa 10 biktima.

Bukod sa lending business, nagpapakilala rin daw siyang may mga kasosyo sa online gaming.

Kulong si Punzalan sa kasong estafa.

—Ulat ni Niko Baua, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.