Suplay ng gulay sa Benguet apektado ng habagat

Maira Wallis, ABS-CBN News

Posted at Aug 14 2019 03:54 PM

Mula sa mga bus, ibinababa at binubuhat ng mga magsasaka ang kanilang mga naaning gulay para maitawid sa kalsada na naapektuhan naman ng pagguho ng lupa mula sa bundok sa Benguet. Larawan mula kay Kapangan Mayor Manny Fermin


Pahirapan ang pagbiyahe ng mga gulay mula sa iba’t ibang bayan ng Benguet papuntang La Trinidad Trading Post dahil sa masamang panahon.

Sa kuha ni Kapangan Mayor Manny Fermin, kita ang mga magsasaka na buhat-buhat ang kanilang inaning gulay para maitawid sa gumuhong lupa.

Binaha naman ang mga taniman sa La Trinidad.

Sinusubukang isalba ng mga magsasaka ang mga tanim gaya ng lettuce. Hinuhugasan ng malinis na tubig ang taniman na naputikan.

Bahagyang naapektuhan ng pag-ulan ang presyo ng gulay.

Ang wombok na dating P3.00 hanggang P8.00 kada kilo, ngayon ay P6.00 hanggang P13.00 na. Ang patatas ay P60.00 hanggang P70.00 na kada kilo mula sa P30.00 hanggang P40.00. Kakaunti ang suplay ng patatas dahil naantala ng pag-uulan ang pag-ani ng mga magsasaka.

Ang mga tanim na gulay mula sa Benguet ay dinadala sa Metro Manila at mga karatig na lalawigan.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.