Service charge sa mga hotel, resto, buo nang makukuha ng empleyado

ABS-CBN News

Posted at Aug 14 2019 09:21 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Buo nang makukuha ng mga empleyado ng hotel at restaurant ang service charge na nakukuha nila mula sa kanilang mga kostumer, ayon sa batas na nilagdaan ni Pangulong Rodrigo Duterte. 

Ang service charge ay sinisingil ng ilang restaurant at hotel sa kanilang mga customer. Ayon sa Article 96 ng Labor Code, 15 porsiyento ng total bill ang nakukuha ng restaurant sa service charge. 

Ayon sa bagong pirmang Republic Act 11360 o Service Incentive Law, inuutusan na ang lahat ng hotel at restaurant na ibigay nang buo ang service charge sa kanilang mga manggagawa. 

Sakop sa batas ang mga waiter, line cook, pantry steward, o kahit tagahugas ng pinggan. 

Pantay-pantay dapat ang hatian sa service charge, ayon sa batas. Pero hindi na kasama rito ang mga may managerial position. 

Ililista ng Department of Labor and Employment (DOLE) ang lahat ng posisyong dapat makinabang sa batas, ayon kay Labor Secretary Silvestre Bello. 

Para sa Trade Union Congress of the Philippines (TUCP), tumataas ang morale ng mga manggagawa at nagiging produktibo sila sa hakbang na ito. Hangad din nila na sumunod ang mga manggagawa.

"The law will definitely improve the take home pay of workers during these times when they badly needed cash money to cope with the rising cost of living. This measure will also boost employees' morale to be loyal and improve productivity... We earnestly hope that all business owners and employers will fully comply," anang TUCP sa pahayag. 

Binibigyan ng 60 araw ang DOLE para maglabas ng implementing rules and regulations ukol sa bagong batas. 

-- Ulat ni Zen Hernandez, ABS-CBN News 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.