Para iwas-trapiko: Ilang lane sa EDSA planong bakuran ng MMDA

ABS-CBN News

Posted at Aug 14 2019 10:16 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Planong maglagay ng steel fences at rubber bollards ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) sa EDSA para maibsan ang mabigat na trapiko. 

Alinsunod din ito sa pinapatupad nilang yellow lane policy para sa mga city bus sa kalsada. 

Layon nitong gabayan ang mga commuter sa pagbaba at pagsakay sa tamang bus stop, ayon kay MMDA General Manager Jojo Garcia. 

Giit naman ni Garcia na layon lang nitong isaayos ang trapiko sa EDSA, at hindi ito parusa para sa mga commuter. Mas makikinabang pa aniya sila rito.

"'Pag tinanggal natin ang provincial buses diyan, kalahati kaagad ng gumagamit ng yellow lane eh mawawala so decongested kaagad ang yellow lane natin," aniya. 

"Makikinabang dito iyong sumasakay ng city bus," dagdag niya. 

Nanindigan naman si Transportation Secretary Arthur Tugade na may mga plano na silang nakalatag. 

"Sasabihin walang plano, short term, medium term, long term, hindi ho totoo 'yan, meron hong mga plano," ani Tugade. 

Ilalagay ang mga fence sa mga susunod na linggo. 

Samantala, sunod nang ilalagay ang rubber bollards na magtatalaga ng lane para sa bawat sasakyang dumadaan sa EDSA. 

Hinihintay na lang ang pag-apruba ng Department of Public Works and Highways–Technical Working Group na siyang sumusuri kung ligtas nga bang ilagay ang mga bollard sa kahabaan ng EDSA. 

Dati na itong ginawa ni dating MMDA chief Bayani Fernando sa kaniyang termino. 

Humiling din ang MMDA ng kooperasyon sa local government units (LGU) sa pagsasaayos ng trapiko sa kani-kanilang lugar, lalo at nasa poder ng mga LGU ang pangagasiwa sa kanilang inner roads. 

--Ulat ni Doris Bigornia, ABS-CBN News 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.