Mga dawit sa pagnanakaw, panghoholdap huli sa Antipolo anti-drug ops

ABS-CBN News

Posted at Aug 14 2019 03:52 PM

Naaresto noong Martes sa magkakahiwalay na anti-drug operation sa Antipolo City ang mga lalaking dawit sa mga insidente ng pagnanakaw at panghoholdap.

Kinilala ng Antipolo police ang isa sa mga naaresto bilang si Francis Magbag, na nahuli sa operasyon sa Barangay San Luis.

Si Magbag ang nang-snatch umano ng cellphone ng isang estudyanteng pasakay ng traysikel noong Huwebes. Nakuhanan ng closed-circuit television (CCTV) camera ang insidente.

"'Yong suspek, kung ano ang suot niya sa CCTV, 'yan pa rin ang suot niya noong maaresto siya," ani Antipolo police chief Lt. Col. Alvin Consolacion.

Inamin ni Magbag na gumagamit siya ng ilegal na droga pero itinangging dawit siya sa pagnanakaw.

Nahuli rin sa operasyon kontra ilegal na droga si Paulo Vargas na sangkot umano sa panghoholdap sa 2 lalaking estudyante noong madaling araw ng Miyerkoles, Agosto 7.

Isa si Vargas sa riding-in-tandem na nanutok ng baril at kutsilyo sa 2 estudyante habang pauwi ang mga ito matapos gumawa ng school project, ayon kay Consolacion.

Nasaksak sa braso ang isa sa mga estudyante nang manlaban umano kina Vargas.

Nakuha umano nina Vargas ang cellphone, pera, at iba pang gamit ng mga estudyante.

Natimbog naman sa buy-bust operation ang suspek sa pagnanakaw sa sari-sari store sa Barangay Santa Cruz.

Positibong itinuro ng biktimang si Fely Sadiangular si Jaymark Oronan, na umano ay nagnakaw sa kaniyang tindahan noong Hulyo 27.

Tatlong cellphone umano ang nakuha ni Oronan sa biktima.

Itinanggi naman ni Oronan ang paratang.

Mahaharap ang mga suspek sa kasong robbery, theft, at paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.

May dagdag na kasong physical injury si Vargas dahil sa pananaksak umano sa estudyante.

-- Ulat ni Bianca Dava, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.