Mag-amang miyembro ng NPA, isa pa sumuko sa Cagayan de Oro

Angelo Andrade, ABS-CBN News

Posted at Aug 14 2019 08:03 PM

Sumuko ang isang mag-ama at isa pa na mga miyembro ng rebeldeng grupong New People's Army sa Barangay Besigan, Cagayan de Oro nitong Linggo.

CAGAYAN DE ORO - Matapos ang isang buwang negosasyon sa City Mobile Force Company, sumuko ang isang mag-amang miyembro ng New People's Army (NPA) sa Barangay Besigan nitong Linggo.

Isinuko nila ang isang kalibre .45 na baril, isang garand rifle at mga bala.

Ayon sa pulisya, kumpirmadong mga miyembro ng rebeldeng grupo ang mag-ama na nag-ooperate sa Talakag, Bukidnon.

"There has been joint debriefing made between the AFP and PNP and it appears they are really in the list of our what we call "order of battle..." ani Police Brigadier Gen. Rafael Santiago, Regional Director ng Northern Mindanao Police.

Naiulat na 2015 pumasok ang mag-ama sa Militia ng Bayan bago sila naging regular na miyembro ng NPA noong 2017.

Nangako ang pulisya na tutulungan nila ang mga sumuko sa pagharap sa kanilang mga kasong pagpatay sa grupong umagaw sa kanilang lupa.

"They are not exonerated from the charges filed against them. They have to face it. Actually coming up or surfacing will give them the chance to face the case kaysa naman nagtatago parin sila sa batas dahil sa kaso, nagtatago sila sa batas nag rebelde sila," ani Santiago.

Kasama sa mga sumuko ang nagpakilalang head organizer ng mga rally sa Bukidnon kontra sa gobyerno. Inaalam pa ng mga awtoridad ang kanyang koneksyon sa NPA-National Democratic Front.

Ayon sa Department of Local and Interior Government, ang tatlong sumuko ay ipapasok sa Enhanced Comprehensive Local Integration Program o E-CLIP.

Babayaran din ng gobyerno ang mga sumuko para sa kanilang isinukong armas, doble sa orihinal na halaga nito.

"Basta regular members they will be receiving the P15,000 na immediate assistance and then P50,000 na livelihood assistance. So yan ang matatanggap ng mga rebelde natin kasama pa diyan ang firearms remuneration," ani Director Arnel Agabe ng DILG-Northern Mindanao.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.