Hinihinalang mga kaso ng dengue sa Pangasinan, higit 3,000 na

Joanna Tacason, ABS-CBN News

Posted at Aug 14 2019 08:48 PM

URDANETA, PANGASINAN - Higit 3,000 na hinihinalang kaso ng dengue na ang naitala sa Pangasinan ngayong taon, ayon sa mga health official ng probinsiya.

Ayon sa Pangasinan provincial health office, 3,127 na kaso ang naitala sa probinsiya mula Enero hanggang Agosto 12, at 10 na mga pasyente na umano ang namatay.

Isang 10-buwang gulang ang pinakabatang tinamaan ng sakit, ayon sa mga awtoridad.

Mas mababa umano ang bilang kumpara sa parehong panahon noong 2018 pero mainam pa rin ang mag-ingat, ayon kay Dr. Maria Vivian Villar-Espino, hepe ng Urdaneta District Hospital.

“Bumaba ang kaso natin ngayon compared last year, pero hindi tayo dapat makampante kasi tag-ulan pa rin. Dapat talaga agad magpakonsulta kapag may naramdaman nang mga sintomas,” aniya. 

Sa Urdaneta District Hospital lang, nakapagtala na ng 211 na kaso ng suspected dengue mula Enero.

Payo ng Department of Health sa publiko, magpakonsulta agad sakaling makaramdam ng mga sintomas ng dengue fever tulad ng pananakit ng ulo, pagsusuka, taas-babang lagnat, at pagkakaroon ng rashes sa katawan para maiwasan ang komplikasyon na madalas nauuwi sa dengue shock syndrome o dengue hemorrhagic fever.

Sintomas nito ang pagkakaroon ng matinding pagsusuka, pagdurugo ng ilong at gilagid at hirap sa paghinga, na kung mapababayaan ay maaring mauwi sa pagkamatay ng pasyente.

Hinihikayat din ang publiko na ugaliing gawin ang 4s kontra dengue. 

Ito ang seek and destroy, o pagpuksa sa mga pinamumugaran ng lamok na nagdadala ng dengue virus; seek early consultation, o agad magpasuri sa mga doktor sakaling may mga sintomas na maramdaman; self-protection o paggamit ng insect repellent o magsuot ng mga mahahaba at may manggas na damit; at say no to indiscriminate fogging.

Noong Hulyo, nagdeklara ang Department of Health ng nationwide dengue alert dahil sa pagdami ng kaso ng dengue sa iba't ibang bahagi ng bansa. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.