"Eat all you can" na prutas sa isang piyesta sa Kidapawan, dinagsa

Lore Mae Andong, ABS-CBN News

Posted at Aug 14 2019 06:45 PM

Dinagsa ng mga tao and "eat all you can" na mga prutas sa Timpupo Festival sa Kidapawan City nitong linggo.


Dahil sa umaapaw na mga prutas dulot ng masaganang ani sa Kidapawan City, naglunsad ng "eat all you can" ng prutas ang lokal na gobyerno sa Timpupo Festival na dinaragsa ng maraming tao.

Tatlong toneladang lanzones, rambutan, saging, marang, mangosteen at durian ang ihinilera sa city plaza sa unang araw ng "eat all you can."

Sa halagang P50, puwede nang makakakain ng mga prutas sa nasabing handaan para sa makakayang kainin.

Ang turistang si Clara Alfrida na isang Dutch national, nagpunta sa lungsod para sa mga prutas.

"My friends invited me because they know I love fruits," ani Alfrida.

Ang bakasyonistang si Mike Monteras na naka-base sa Thailand, nakisalo rin at pinili lalo na ang durian sa mga prutas.

"Delicious ang durian," ani Monteras.

May ibang bumiyahe pa mula Cagayan de Oro City para lang tikman ang mga prutas sa piyesta.

"For experience na rin kasi gusto namin i-try 'yung prutas dito," sabi ni Angely Carla, isang turista.

Mataas ang produksyon ng prutas ngayon at murang-mura ang farm gate price, ayon sa lokal na pamahalaan.

Ayon kay Joey Recimilla, city tourism officer ng Kidapawan, ang piyesta ay paraan upang makilala ang Kidapawan bilang fruit basket ng Mindanao.

"Sana itong ganito ay magtuloy-tuloy hanggang sa coming years pa. Maging tourist attraction itong ganito," sabi ni Joey Recimilla

Ang "eat all you can" ng mga prutas ay magpapatuloy hanggang Linggo, Aug. 18.

Ang Timpupo Festival ay hango sa salitang Cebuano na ibig-sabihin ay "harvest time" o anihan ng prutas.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.