Detensiyon ng trans woman sa QC, umani ng batikos

ABS-CBN News

Posted at Aug 14 2019 04:11 PM | Updated as of Aug 14 2019 09:53 PM

QC mayor: Gender fair ordinance nalabag ng mall
Pamunuan ng Farmers' Market nag-sorry

(UPDATE) Binatikos ng ilang grupo at mga gender rights advocates ang pagdetene sa isang transgender woman na nakagitgitan ang mga staff sa paggamit ng pambabaeng comfort room sa Quezon City.

Watch more in iWant or TFC.tv

Hudyat din umano para sa ilan ang insidente para maisabatas na ang SOGIE (Sexual Orientation and Gender Identity and Expression) Equality Bill na layong wakasan ang diskriminasyon sa LGBT community.

Nag-viral sa social media ang Facebook live video ng transgender woman na si Gretchen Custodio Diez nitong Martes habang sapilitan siyang hinihila ng janitress ng Farmers Plaza sa Cubao, Quezon City matapos siyang sitahin.

Kalauna’y dinetene sa Camp Karingal at hinarap sa kasong unjust vexation si Diez matapos ang insidente, pero agad ding pinaalis.

Humingi na rin ng paumanhin ang janitress at ang pamunuan ng mall sa nangyari.

Para sa grupong Philippine Anti-Discrimination Alliance of Youth Leaders (PANTAY), patunay ang insidente na dapat nang ipasa ang SOGIE Equality Bill.

"We call the attention of our legislators to recognize the urgency of passing the SOGIE Equality Bill. We will not be silenced while various cases of discrimination continue to happen all over the country," anila sa pahayag matapos ang insidente.

Nag-trending din sa social media ang panawagan na ipasa na ang panukala, na ilang taon na ring nakabinbin sa Kongreso.

Nagpatawag naman ng abogado si Sen. Risa Hontiveros mula sa kaniyang opisina para tulungan si Diez sa kaniyang kaso.

"She is being harassed for living her truth. Discrimination against transgender people has to stop!" aniya sa isang tweet.

Giit pa ni Bataan 1st District Rep. Geraldine Roman, mas delikado pa na sapilitang ipasok sa palikurang panlalaki ang mga transgender woman gaya niya.

"Nakakalungkot na nangyari ito sa city pa, nakakagalit na may ganito pa ring insidente... Using the male CR is not an option kasi sa ganda naming ito, baka kung ano pa mangyari sa 'min 'di ba?" ani Roman, na isang transgender woman.

Watch more in iWant or TFC.tv

'BINANTAAN, HINILA'

Sa isang panayam, sinabi ni Diez na nakapila siya para magbanyo sa women’s CR nang sitahin ng janitress at palipatin sa banyo ng lalaki.

Tila ikinagalit pa ng staff ang pag-video ni Diez, na umano'y tinabig pa ang cellphone at sinubukang ipatigil ang pag-Facebook live ng insidente.

"Tinapik po niya 'yung cellphone ko, 3 beses, sabi po niya sa 'kin, An'sarap tampalin ng mukha mo, bakla ka kase,'" ani Diez.

Maya-maya, dinala raw siya sa security office ng mall kung saan kinutya pa umano siya.

Inilipat si Diez sa Cubao Police Station kung saan binantaan siyang kasuhan ng paglabag sa anti-cybercrime law, at kalauna'y kinasuhan ng unjust vexation ng pamunuan ng mall pagdating sa Camp Karingal.

Matapos ang imbestigasyon, humingi ng tawad ang janitress kay Diez sa isang sulat.

"Tao lang po ako, hindi ko po sinasadya na ma-offend siya. Wiling po akong pag-aralan ang mga karapatan ng LGBT," aniya sa liham.

Hinimatay ang janitress paglabas ng presinto at kalauna'y sinabi na walang malinaw na patakaran ang mall sa paggamit ng mga transgender sa mga banyo.

Tinanggap ni Diez ang paghingi ng tawad ng janitress pero sinabi niya na itutuloy niya ang kaso laban sa pamunuan ng mall sa umano'y paglabag nito sa ordinansa sa Quezon City.

Ayon kay QC Mayor Joy Belmonte, malinaw na may naging paglabag ang mall sa gender fair ordinance ng lungsod.

Sa ordinansa, pinagbabawalan ang mga establisimyento na mag-discriminate sa mga tao base sa kanilang sexual orientation, gender identity, and expression.

"I will still fight for what is right. 'Yung violation against sa city ordinance sa Quezon City. Papatunayan natin sa lahat na may pangil ang batas, na may karapatan po tayo na gamitin at magkaroon ng access sa pampublikong lugar," ani Belmonte sa pahayag.

PAMUNUAN NG MALL NAG-SORRY

Humingi na rin ng paumanhin ang Araneta Center sa nangyari. Nilinaw din nila na "isolated" ang insidente.

Wala din daw silang isinampang kaso laban kay Diez at personal lang daw itong desisyon ng janitress.

Ayon pa sa mall, nagkasundo ang dalawang partido na huwag nang magsampa ng kaso.

"We firmly believe that any such treatment of a customer, regardless of sexual orientation, is unacceptable," ani Morriel Abogado, property general manager ng Farmers Plaza sa pahayag.

"Management makes no distinctions between customers here, and the LGBTQ community has always been welcome."

Nakipag-ugnayan na rin daw sila sa agency ng janitress para umaksiyon ang mga ito sa insidente.

Bukas din anila sila na makipagdayalogo kina Diez sa mga isyu ukol sa LGBT community para mas mapaulad ang kanilang mga serbisyo.

-- Ulat ni Jervis Manahan, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.