Dapat bang gawing krimen ang pagsali sa komunistang grupo?

ABS-CBN News

Posted at Aug 14 2019 12:06 PM | Updated as of Aug 14 2019 12:15 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Kamakailan ay sinabi ni Interior Secretary Eduardo Año na dapat gawin nang krimen ang komunismo para masugpo ang mga subersibong grupo.

Target ng kalihim na buhayin ang Republic Act 1700 o Anti-Subversion Law na ni-repeal noong panahon ni dating pangulo Fidel Ramos. Ginagawang ilegal ng naturang batas ang pagbuo sa Communist Party of the Philippines.

Pero ayon sa abogadong si Noel Del Prado, dapat pag-aralan muna ang ipinapanukala ng gobyerno na ituring na krimen ang komunismo, lalo't buhay at karapatan ng tao ang nakataya sa pagpapatupad nito.

"Buhay at batayang karapatan (ang nakataya rito), ibig sabihin demonstrasyon sa gaya ng nakikita natin sa Hongkong... Pero sa ating demokrasya hangga't hindi iyan marahas, pinoprotektahan iyan ng batas," ani Del Prado sa "Usapang de Campanilla."

"'Yung ating karapatan na humingi ng remedyo sa ating pamahalaan sa pangangailangan natin. Iyan ay batayang karapatan. 'Yung batikos, 'yung karapatang maghayag... 'yan ang mga karapatang sagrado sa ating demokrasya," dagdag ng abogado.

Ipina-repeal ni Ramos ang naturang batas sa layuning makipagkasundo sa mga komunista.

Pinalagan na rin ng ilang senador ang panukala, na umano'y banta sa kalayaan sa bansa.

Sinabi na rin ng Malacañang na dapat munang pag-aralan ang panukala.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.