3 sugatan sa aksidente sa motorsiklo

RJ Rosalado, ABS-CBN News

Posted at Aug 14 2019 03:00 PM

Agad na inasikaso ng rescuers ang mga sakay ng naaksidenteng motorsiklo, partikular na ang dalawang buwang buntis na si Benalin Lopez. RJ Rosalado, ABS-CBN News

Tatlong katao ang sugatan, kabilang ang dalawang buwang buntis, matapos na sumemplang ang kanilang sinasakyang motorsiklo sa highway ng Barangay Calarian, Zamboanga City, Miyerkoles ng umaga.

Nagtamo ng sugat sa mukha at kamay ang buntis na si Benalin Lopez.

Angkas si Lopez at kaniyang live-in partner na si Adonis Labor sa motorsiklong minamaneho ng kaniyang tiyuhin na si Cesar Legazpi nang aksidente nilang mabundol ang isang tumatawid na aso.

Ayon kay Labor, hindi na nakaiwas si Legazpi sa aso dahil hindi nila inaasahan ang biglaan nitong pagtawid sa highway kahit hindi naman mabilis ang takbo ng kanilang motorsiklo.

Nagtamo din ng mga sugat sa katawan si Labor at Legazpi pero lalo nilang ikinababahala ang kondisyon ni Lopez dahil nagdadalang-tao ito.

Agad silang dinala sa ospital para masuri ng mga duktor ang kanilang kalagayan.

Ayon naman kay Rogelio Akil, isa sa mga kagawad sa Barangay Calarian, patuloy ang kanilang panghuhuli sa mga asong kalye.

Pero may ilang pet owner umano na ayaw ipahuli ang kanilang alagang aso bagama’t hinahayaan lang nila ang mga ito sa daan.

Nanawagan si Akil sa mga pet-owner na maging responsable at huwag hayaan ang mga alagang aso na pakalat-kalat sa daan dahil posible silang maging sanhi ng mga aksidente.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.