2 huli sa 'pananalisi' sa travel agent sa NAIA

ABS-CBN News

Posted at Aug 14 2019 05:42 PM

Arestado nitong Miyerkoles ang dalawang umano'y salisi nang tangkaing dukutan ang isang travel agent sa Terminal 2 ng Ninoy Aquino International Airport.

Kinilala ang dalawang suspek na sina Rodolfo Rosauro Anto Jr. At Elena Aquia Elera. 

Ayon sa reklamo ng travel agent na si Cheryl Perez, inaantay niya ang kostumer niyang Japanese nang kausapin siya ng isa sa mga suspek. 

Pero napansin ng complainant na may isa pang suspek na tila may tinatangkang kunin sa kaniyang bag, dahilan para sumigaw ang biktima. 

Naagaw ni Perez ang atensiyon ng ilang pasahero, na siya namang nagturo sa mga airport police at security guard. 

Sinampahan na ng reklamong theft sa Pasay City Prosecutor's Office ang mga suspek. 

Pinapurihan naman ni Manila International Airport Authority General Manager Ed Monreal ang mga security guard at airport police at ang mga concerned citizen sa loob ng paliparan sa pag-aksiyon sa insidente. 

-- Ulat ni Henry Atuelan, ABS-CBN News 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.