2 binatilyo, nalunod sa beach sa Bataan

Gracie Rutao, ABS-CBN News

Posted at Aug 14 2019 12:16 PM

Natagpuan na rin ang mga bangkay ng dalawang nawawalang magkaibigan na nalunod matapos matangay ng alon sa isang resort sa Bagac, Bataan. Larawan mula sa Bagac Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office

BAGAC, Bataan – Natagpuan na ang bangkay ng dalawang nawawalang kabataan na nalunod sa isang resort sa Barangay Pagasa noong linggo ng hapon.

Martes ng hapon nang matagpuan ang bangkay ng 18-taong gulang na si Marlon Anguluhan. Lunes ng umaga naman ng makita ng mga tauhan ng Philippine Coast Guard sa tulong ng Metro Bataan Development Authority ang bangkay ng isa pang nalunod na menor de edad.

Kasama ang dalawa sa anim na magkakaibigang nagkayayaang maligo sa dagat noong linggo. Pero sa kasagsagan ng pag-ulan, lumakas ang hampas ng mga alon at tila hinigop sa ilalim ng dagat ang dalawang biktima.

Agad namang dinala sa Bagac Community and Medicare Hospital ang mga kasamang nakaligtas para mabigyan ng first aid.

Napag-alaman ng PCG naka-red flag alert ang resort na ibig sabihin ay sarado ito sa publiko dahil sa masamang panahon at nagpumilit umanong pumasok at maligo ang grupo.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.