Pulis patay sa pamamaril sa Palawan

ABS-CBN News

Posted at Aug 14 2018 04:22 AM

SAN VICENTE, Palawan - Patay ang isang pulis matapos pagbabarilin ng hindi pa kilalang mga salarin sa San Vicente, Palawan Sabado ng hapon.

Kinilala ang biktima na si SPO1 Marvin Paaco Adier.

Sa imbestigasyon ng pulisya, paalis na si Adier sa Purok Sampaguita, Barangay Poblacion sakay ng kaniyang motorsiklo nang biglang pagbabarilin ng 3 lalaki.

Agad tumakas ang mga salarin sakay ng motorsiklo patungong Barangay New Agutaya.

Isinugod sa Rural Health Unit si Adier pero binawian din ito ng buhay.

Narekober sa crime scene ang ilang basyo ng bala ng kalibre .45 na baril at 9mm pistol.

Patuloy ang imbestigasyon sa pamamaslang para matukoy ang pagkakakilanlan ng mga salarin. - Lynette dela Cruz, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.