Dalagitang nawawala, natagpuang patay sa Bulacan creek

ABS-CBN News

Posted at Aug 14 2018 06:12 PM | Updated as of Aug 14 2018 07:06 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Natagpuan noong umaga ng Lunes ang bangkay ng isang dalagita sa isang creek sa Barangay Dampol sa bayan ng Plaridel, Bulacan.

Nakilala ang biktima bilang isang 15 anyos na taga-Pulilan, Bulacan at ayon sa kaniyang pamilya ay isang linggo nang nawawala.

Nadatnan ang bangkay na palutang-lutang, may suot na itim na damit, at walang pang-ibabang saplot. 

Sa paunang pagsisiyasat ng crime lab, lumabas na maaaring matagal nang patay ang biktima at may mga palatandaang pinahirapan ito o nanlaban, gaya ng apat na saksak ng hinihinalang ice pick sa iba't ibang bahagi ng katawan.

Hindi pa matukoy kung pinagsamantalahan ang biktima pero patuloy ang pagsisiyasat ng mga awtoridad.

Kuwento ng ina ng biktima, pinayagan niya noong gabi ng Martes, Agosto 7, ang dalagita na bumili sa tindahan pero hindi na raw ito umuwi.

Idinaan pa sa social media ang paghahanap.

Ayon naman sa Pulilan police, posibleng sumama sa mga kaibigan ang biktima at hindi talaga bumili sa tindahan tulad ng paalam sa ina.

Patuloy ang imbestigasyon sa pagkakakilanlan ng salarin. -- Ulat ni Jeck Batallones, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.