Taxi driver sinaksak ng karelyebo, patay

Bianca Dava, ABS-CBN News

Posted at Aug 14 2017 10:10 AM

MAYNILA - Patay ang isang taxi driver matapos pagsasaksakin ng kapwa tsuper sa Pasay City Sabado ng umaga.

Kinilala ang biktimang si Weldfredo Alob na ayon sa pulisya ay unang sumugod sa tahanan ng suspek na si David Mallari Jr.

Pagsugod sa bahay ng suspek sa Barangay 96, naghamon umano si Alob ng suntukan, bitbit ang kanyang dos por dos.

Ang dahilan umano ng away ay ang hindi pagbabayad ng boundary ni Mallari na karelyebo ng biktima sa taxi.

Tinangkang awatin ng tanod ang dalawa pero maya-maya, lumabas na rin ang suspek at nang makatiyempo ay sinaksak na ang biktima.

Agad isinugod sa ospital si Alob pero binaiwan din agad ng buhay. Bumalik naman ng bahay ang suspek bago tumakas. Nahuli sa CCTV ang pagsakay nito ng tricycle habang papatakas.

Samantala, lumalabas sa police records na dati nang sumuko sa Oplan Tokhang ang suspek na kilala umanong drug pusher sa lugar.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.