Mga manok, pugo, itik sa labas ng quarantine area, ligtas kainin: DA

ABS-CBN News

Posted at Aug 15 2017 12:47 AM

Nilinaw ng Department of Agriculture (DA) na sa San Luis, Pampanga pa lang may kumpirmadong kaso ng bird flu at hindi sa buong probinsiya.

Ayon sa DA, ligtas kainin ang mga manok, pugo at itik, at poultry products sa labas ng quarantine area.

Paliwanag ng isang public health expert, wala pang dapat ikabahala ang mga consumer. Dapat lang mag-ingat ang mga humahawak sa mga manok na may bird flu. 

"Kailangan mayroon silang mask, goggles, glove, apron, shoe protection dahil yung laway, sipon at dumi ng manok na yun ay maaaring dumikit sa apron mo o dumikit sa kamay mo tapos punasan mo ilong mo o i-rub mo mata mo," ani Dr. Susan Mercado, public health expert.

Dapat din umanong bantayang maigi ng mga may ari ang kanilang mga manok. Maaari ding tamaan ng bird flu ang mga itlog na nagmula sa mga may sakit na manok. 

Siniguro din ni Bureau of Local Health Department Director Eric Tayag ng Department of Health, na ligtas kumain ng manok.

"Kailangan hard boiled, hindi muna puwedeng kumain ng hilaw na itlog. Dapat hard-boiled... 'Pag manok, dapat lutong-luto 'yan," aniya.

Sakaling tamaan ng bird flu, ilan sa mga sintomas nito ay lagnat, conjunctivitis o pamamaga ng mata, ubo at sipon, pananakit ng tiyan, pagtatae, at pneumonia.

Nasa 17 araw o dalawang linggo bago lumabas ang sintomas ng bird flu sa tao.

Nagpadala na si Health Secretary Paulyn Ubial ng mga epidemiologist sa San Luis, Pampanga. 

Ayon kay Tayag, wala pang human cases ng bird flu sa bansa.

Mga apektado ng bird flu

Sa ngayon, 16 na barangay mula sa Mexico, San Luis at San Simon ang nasa one-kilometer radius quarantine. Lahat ng mga manok, pugo at itik dito, pinapatay at nilibing.

Minomonitor at hindi maaaring ilabas sa ibang parte ng Pampanga o Luzon ang nasa seven-kilometer radius quarantine.

Bawal maglabas ng mga buhay na manok o ibon sa Luzon papuntang Visayas o Mindanao pero puwedeng magpasok ng mga poultry products sa Luzon.

Dahil dito, humirit ang Agriculture Sector Alliance of the Philippines na payagang maglabas ng poultry product ang mga nasa labas ng quarantine area. 

Nasa 18 milyong itlog kada araw kasi ang apektado pero hindi sila pinagbigyan.

"I know that you've been losing a lot of money. Pero mas malaking magiging trahedya ang mangyari kapag dahil sa lumambot yung puso ko at naawa ako sa inyo at bibigay ako sa inyo... kapag kumalat ito sa Visayas at Mindanao dahil sa kapabayaan ko, magre-resign ako," pahayag ni Agriculture Secretary Manny Piñol.

Umaaray naman ngayon ang United Broilers Association (UBRA) dahil mga nag-aalaga ng broiler o kinakatay na manok ang naapektuhan, at hindi gaano ang mga nag-aalaga ng manok para sa itlog.

"Over the weekend dapat mataas, bumaba ng 10-20%," ani Elias Inciong, presidente ng UBRA.

Iniimbestigahan din ng DA ang balitang may nangongotong sa checkpoint sa Bulacan at Pangasinan.

Paniguro ng DA, tatanggalin ang ban sa oras na sabihin ng mga ekspertong wala nang tsansang kumalat ang virus.

Sa ngayon, tatapusin muna hanggang Huwebes ang pagpatay sa mga ibon at manok.

Hindi naman bababa sa 90 araw ang quarantine period.

Babayaran ng P80 ang magsasaka para sa kada mapapatay na manok.

Magbibigay ng P5,000 grant at magpapautang ng P20,000 sa mga maapektuhang magsasaka.

--Mga ulat nina Carolyn Bonquin at Raphael Bosano, ABS-CBN News.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.