Jail guard, patay sa buy-bust operation sa Samar

Ranulfo Docdocan, ABS-CBN News

Posted at Aug 14 2017 10:53 PM

Humugot umano ng baril si Aristotle Fernandez, na dahilan upang paputukan siya ng pulis. Ranulfo Docdocan, ABS-CBN News

SAMAR - Patay ang isang jail guard sa isang buy-bust operation ng Samar Provincial Drug Enforcement Unit, Basey Police, at Philippine Drug Enforcement Agency Sabado ng umaga.

Kinilala ang namatay na si Aristotle Fernandez, alyas Tutol, 43 taong gulang at residente ng Barangay Loyo sa bayan ng Basey.

Si Fernandez ay guwardiya sa Basey Sub-Provincial Jail.

Nangyari ang operasyon sa Barangay Buscada. Ayon kay police Senior Inspector Wilmer Dadia, humugot ng baril si Fernandez sa buy-bust operation na siyang naging dahilan kung bakit ito nabaril ng pulis.

Ayon pa sa awtoridad, matagal nang nasa watchlist nila si Fernandez, na hindi umano sumuko sa Oplan Tokhang.

Samantala, nagsagawa din ng Oplan Galugad ang mga awtoridad sa Basey Sub-Provincial Jail kung saan nagtrabaho si Fernandez.

Nakuha sa nasabing operasyon ang 32 cellphones, 19 charger, 19 disposable lighters, 2 power banks, 13 assorted pointed weapons, 5 shaver blades, 2 improvised electric tattoo machines, 1 pack transparent plastic, at mga SIM card.

Tumangging magbigay ng pahayag ang pamilya ni Fernandez.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.