Comelec chair, ipinagtanggol ng kapatid vs mga alegasyon

ABS-CBN News

Posted at Aug 14 2017 03:44 PM | Updated as of Aug 15 2017 12:25 AM

Itinanggi ng kapatid ni Commission on Elections (Comelec) Chairman Andres Bautista ang mga alegasyon na mayroon itong halos P1 bilyong tagong yaman at sinabing hindi magnanakaw ang mga miyembro ng kanilang pamilya.

Ani Dr. Martin Bautista, pangatlo sa magkakapatid, ang kasalukuyang kontrobersya na ang pinakamasakit na pinagdaraanan ng kaniyang pamilya.

"Wala kaming bahid, hindi kami nagnanakaw. This is the most painful way to hit my family. This is the most effective way to hit my family—yun bang babahiran kami ng corruption. Bawal yan," saad ni Dr. Bautista sa isang panayam sa ANC.

Sinabi ni Dr. Bautista na nagtrabaho rin sa gobyerno bilang hukom ang kaniyang ama na 87 taong gulang na.

"[My father is] taking it hard because as I said, this is the hardest way—parang mas masahol ito sa kamatayan," aniya.

Maaari din umanong ikamatay ito ng kanilang ina na na-stroke na noong mga nakaraang taon.

"My mother is going to die earlier because of this. I can tell that to you because I’m a physician. She had a stroke a couple of years ago and I know, she told me, ‘I only have tears and prayers at this point in my life.’ Mamamatay nang mas maaga ang nanay ko because of this, but that’s a fact that we have to accept."

Hinamon niya rin umano ang kapatid na Comelec chief na magpakamatay na lang kung totoo ang lahat ng mga alegasyon sa kaniyang statement of assets, liabilities and net worth.

"Sinabi ko sa kapatid ko: alam mo, corruption, masama yan. I told him, kung totoo ito, magpakamatay ka. Seppuku ang tawag diyan ng mga Hapon. Sabi niya, wala. I believe my brother," ani Dr. Bautista.

"He is that confident that he will not misdeclare, and that’s why I’m here, to back him up," dagdag niya.

Sinabi rin ni Dr. Bautista, isang gastroenterologist sa Oklahoma, na binigyan niya ng pera para sa investment noong 1990's si Comelec chair na mahusay sa pamumuhunan.

Mayroon din umano siyang mga expired bank certificate para patunayan ang mga investment na ito.

Giit pa niya, hindi kayang ibigay ng kanyang kapatid ang P620 milyon na hinihingi ng misis nitong si Patricia.

Hinala niya, may bahid-pulitika ang mga alegasyon laban sa Comelec chairman.

[Pagtulong ng Comelec chief kay VP Robredo para manalo sa eleksiyon: walang katotohanan- Dr. Bautista]

Nilinaw din ni Dr. Bautista na walang bahid ng katotohanan ang mga alegasyong dinoktor ng Comelec chair ang eleksiyon para pumabor kay Vice-President Leni Robredo.

Aniya, lumipad pa siya galing Amerika para pagaanin ang dinaraanan ng kaniyang mga pamangkin at masiguradong mapangalagaan ng mga Pilipino ang 'electoral process'.

"Wag tayong magsisiraan, especially about the elections because itong mga chismis na si (Leni) Robredo tuloy ang naging vice president dahil sa kapatid ko—that’s a complete lie," ani Dr. Bautista.

"Let’s not destroy our country by putting these. Wala naman, puro chismis yun, unsubstantiated. To think, can a commissioner of the elections really change the outcome? I don’t think so," aniya.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.