Binatang nagdiwang ng kaarawan, nalunod

Bryan Realgo, ABS-CBN News

Posted at Aug 14 2017 05:37 PM

ILOCOS SUR – Nalunod ang isang 20 taong gulang na lalaki habang lumalangoy sa ilog sa Barangay Maynganay Norte, Sta. Maria, Ilocos Sur nitong Linggo.

Kinilala ang biktima na si Mark Joseph Ramboanga. 

Kwento ng kaibigan ng biktima na si Jayr Cantorna, nagtungo sila sa ilog kasama ang ilan pa nilang kaibigan bilang selebrasyon ng kaarawan ni Ramboanga noong Biyernes.

Naunang naligo ang 3 nilang kasama na gustong tumawid sa ilog pero unti-unting nalunod ang dalawa. Sumaklolo naman si Mark Joseph hanggang siya na ang inanod ng tubig palayo.

Sinubukan ng kanyang mga kaibigan at ang mga sumaklolong rescuers na sagipin ito pero hindi na nila kinaya dahil sa lakas ng agos at lalim ng tubig.

“Ginawa namin ang lahat. Sinubukan namin na abutan siya ng kakapitan pero palayo siya ng palayo hanggang sa umahon ito ngumiti at kumaway hanggang sa hindi na namin siya makita," ani Cantorna.

Umabot nang 2 oras bago tuluyang narekober ang bangkay ng biktima.

Ikinalungkot naman ng ina ni Mark Joseph na si Mary Ann ang nangyari.

“Napakahirap na tanggapin. Napakasakit lalo na siya ang katulungan ko sa paghahanap buhay," ani Mary Ann Ramboanga.

Dahil sa pag-uulan noong mga nakaraan na araw, may bahagi ng ilog na lumalim.

Paalala ng mga awtoridad, mag-ingat sa paliligo sa mga anyong-tubig lalo na kung hindi kabisado ang lalim ng mga ito.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.