4 patay sa pamamaril sa Quezon City

Jerome Lantin, ABS-CBN News

Posted at Aug 15 2017 05:35 AM

QUEZON CITY - Nabulabog ng sunod-sunod na putok ng baril ang mga residente ng Laura Area, Brgy. Matandang Balara sa Commonwealth Ave., Quezon City Lunes ng gabi.

Nahirapan ang SOCO na suriin ang mga bangkay ng tatlong biktima, na magkakatabi sa loob ng bahay.

Kinilala lang sa kanilang mga alyas ang mga biktima.

Alyas "Taba" ang biktimang babae, habang sina "Joey", "Bad Boy" at "Loloy" ang tatlong lalaking biktima.

Ayon sa barangay, rumoronda sila sa lugar nang may makitang mga lalaking sumakay ng van na walang plaka.

Posible umanong ang mga lalaki ang responsable sa krimen.

Batay sa paunang imbestasyon ng mga pulis, bandang alas-11 ng gabi nang may marinig na sunod-sunod na putok ng baril.

Naitakbo pa sa ospital si Loloy, pero idineklarang dead on arrival. 

Habang nakuha naman sa loob ng bahay ang mga duguang bangkay ng ibang mga biktima.

Si Loloy umano ang nakatira sa bahay at madalas lang umanong nakikita sa lugar, ang tatlo pang napatay.

Dati na umanong sumuko sa Oplan Tokhang sina Loloy at Joey, pero bumalik umano sa bisyo.

Narekober sa crime scene ang 17 basyo ng bala. 

Tumangging magbigay ng pahayag ang mga pulis, na blanko pa sa motibo ng pamamaril.

Wala ring mga CCTV camera sa lugar na makatutulong sana sa imbestigasyon.
 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.