4 hepe ng Calabarzon sibak sa puwesto

ABS-CBN News

Posted at Aug 14 2017 12:22 PM

MAYNILA - Sibak sa puwesto ang 4 na hepe ng pulisya sa Calabarzon region dahil sa kabiguang masugpo ang ilegal na sugal sa kanilang nasasakupang lugar.

Tanggal sa puwesto sina Supt. Zeric Soriano ng San Pedro City; Supt. Carlos Barde ng Sto Tomas, Batangas; Supt. Giovanni Zibalo ng Lipa City, at Supt. Ronan Claraval ng San Pablo City.

Ayon kay Chief Supt. Mao Aplasca, hepe ng pulisya sa Region 4-A, sapat na panahon ang ibinigay niya para sa apat na opisyal para mapahinto ang jueteng at iba pang uri ng sugal.

Matatandaang una nang inatasan ni PNP chief Director General Ronald dela Rosa ang lahat ng regional directors na ipahinto ang lahat ng uri ng illegal gambling sa bansa.

Nagbabala si Aplasca sa iba pang hepe ng pulisya sa rehiyon na hindi siya mangingiming sibakin sa puwesto ang mga ito kung hindi nila mahihinto ang operasyon ng illegal gambling sa kanilang lugar.--Ulat ni Noel Alamar, DZMM Correspondent