2 preso, tumakas dahil sa utang sa tindahan sa loob ng kulungan

John Germono, ABS-CBN News

Posted at Aug 14 2017 04:53 PM

PANGASINAN - Dalawang preso ang tumakas mula sa Pangasinan Provincial Jail nitong Sabado.

Base sa imbestigasyon, tumakas ang mga presong sina Dennis Buen at Gender Arzadon matapos magtapon ng basura sa dump truck.

Agad namang nahuli si Buen sa palengke, habang si Arzadon ay nasukol sa lugar kung saan naninirahan ang kanyang mga magulang.

Pawang may mga kasong may kaugnayan sa ilegal na droga sina Buen at Arzadon.

Nang maibalik sa kulungan, sinabi ng dalawa na naisipan nilang tumakas dahil sa utang nila sa tindahan sa loob ng provincial jail.

Dahil sa insidente, nakatakdang imbestigahan ang 4 na guwardiyang naka-duty sa araw na iyon.

Hihigpitan na rin ng provincial jail ang proseso ng pagtatapon ng basura.

Hindi na bago sa Pangasinan Provincial Jail ang pagtakas ng mga preso. Noong 2011, tatlong preso ang tumakas mula rito. Hanggang sa kasalukuyan ay patuloy pa ring pinaghahanap ang mga nasabing pugante.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.