2 nasawi sa pagguho ng pader sa Maynila, nakaburol sa bangketa

Zhander Cayabyab, DZMM

Posted at Aug 14 2016 12:18 PM

MANILA - Nakaburol sa bangketa Linggo ang labi ng magkapatid na nasawi sa pagguho ng isang firewall at pagbagsak nito sa ilang bahay sa Oroqueta Street, Maynila nitong Sabado.

Sa ilalim lamang ng tolda sa harap ng kanilang bahay nakalagak ang mga labi nina Arjhelyn Jhoyce Viriña, 16, at kapatid na si Mary Hope, 14.

Umaapela ng tulong sa gastusin ang kanilang mga kaanak.

Ayon kay Mary Grace Berdad, lola ng mga biktima, may tumulong na sa kanila para sa burol pero kulang pa ito para sa pagpapalibing sa magkapatid.

Gumuho ang firewall na humahati sa Barangay 310 at 312 sa kasagsagan ng malakas na ulan kahapon. Bumagsak ang pader sa mga barong-barong na malapit dito.

Karamihan sa mga pamilyang naapektuhan ng aksidente ay nakituloy muna sa mga kapitbahay at kamag-anak.

Nananatili naman ang iba sa mga tolda sa bangketa, kahit pa nag-alok ang barangay na sa covered court na muna sila manuluyan.

Kabilang sa mga tumangging umalis sa lugar si Susan Viriñam, isa pa sa mga lola ng dalawang nasawing dalagita.

Anya, "Kasi dito na ang hanapbuhay namin. Eh 'yan lang dalawa ang pinaghahanapbuhayan namin para makatapos sila ng pag-aaral. Lumaho na lahat ng aking mga pangarap sa dalawang apo ko."

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.