PatrolPH

4 na madre sa Carmelite Monastery and Convent sa Iloilo City nasawi sa COVID-19

ABS-CBN News

Posted at Aug 13 2021 12:40 PM

ILOILO CITY - Umabot na sa 4 na madre ang namatay sa Carmelite Monastery and Convent sa La Paz, Iloilo City matapos dapuan ng COVID-19.

Nasawi sa sakit nitong Martes, Agosto 10, ang isa pang madre sa monasteryo, ayon sa Iloilo City COVID-19 Team.

Naitala ang unang COVID-19 fatality sa monasteryo noong Hulyo 31. Sinundan ito noong Agosto 3 at ang pangatlong madre ay namatay noong Lunes, Agosto 9.

Nasa 24 na madre sa monasteryo ang nagpositibo sa COVID-19. Pito sa kanila na dinala sa ospital matapos makitaan ng sintomas ay mga senior citizen.

Noong Hulyo 25, isinalalim sa lockdown ang monasteryo matapos magpositibo sa COVID-19 ang 24 na madre at 9 na kawani.

Mahigpit na minomonitor ng Iloilo City COVID-19 Team ang iba pang madre at mga kawani na may COVID-19.

Samantala, nagpostibo din sa COVID-19 si Archbishop Jose Romeo Lazo ng Archdiocese of Jaro.

Ayon kay Fr. Angelo Colada, director ng Jaro Archdiocesan Commission on Social Communication, nasa ospital si Lazo matapos makitaan ng mild symptoms noong Agosto 4.

Nakapagtala ang Iloilo City ng 14,576 na kaso ng COVID-19, base sa inilabas na datos ng Department of Health-Western Visayas. Kasama dito ang 12,886 recoveries, 385 fatalities at 1,302 active cases.

KAUGNAY NA ULAT

Watch more on iWantTFC

-- Ulat ni Rolen Escaniel

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.