PatrolPH

Sitio sa Parañaque isinailalim sa 4-araw na lockdown

Anjo Bagaoisan, ABS-CBN News

Posted at Aug 13 2020 05:37 AM

Hindi makakalabas sa kanilang mga bahay nang 4 na araw ang nasa 1,800 pamilya ng isang sitio sa Bgy. San Martin De Porres, Paranaque City kasunod ng pagpapatupad dito ng lockdown hanggang Linggo. 

Sinimulan ang tinaguriang "calibrated containment and mitigation measures" sa Sitio Malugay hatinggabi ng Huwebes nang bantayan ng mga pulis at tanod ang mga pasukan sa Cucumber Road. 

Sa panuntunan na inilabas ng barangay, ipinawalang-bisa ang mga quarantine pass ng mga residente. 

Tanging mga empleyado ng gobyerno at mga healthcare workers ang maaaring maglabas-masok sa lugar. 

Nakatigil din ang operasyon ng mga tindahan at establishmento sa lugar at ipinagbawal din ang pagpasok ng mga delivery. 

Iisyuhan naman ng "certificate of calibrated containment" ang mga ibang manggagawang napigilang pumasok ng trabaho dahil sa lockdown. 

Bukod sa disinfection ng tauhan ng city environment office, may nakatakdang testing sa iba-ibang zone ng Malugay araw-araw. 

Pero sinabi ng barangay na "first come, first served" lang ito para sa 100 tao kada araw. 

Hatinggabi ng Lunes aalisin ang lockdown sa Malugay. 

Ayon sa barangay, isinagawa ang containment para mapigilan ang pagtaas ng bilang ng mga pasyenteng may COVID-19 sa lugar. 

Sa tala ng lokal na pamahalaan noong Miyerkules, 28 ang aktibong kaso ng COVID-19 sa Bgy. San Martin De Porres. 

Samantala, 651 ang aktibong kaso sa buong Parañaque, 2,503 na ang gumaling at 93 ang namatay sa sakit. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.