OTP hiningi: Scammer nilimas ang P130,000 mula sa e-wallet ng isang seller

ABS-CBN News

Posted at Aug 13 2020 08:38 PM

MAYNILA — Patuloy na dumarami ang mga kaso ng mga tinatawag na phishing scam ngayong panahon ng pandemya.

Bantay sa isang establisimyento sa Nabua, Camarines Sur si alyas "Ann" at isa sa mga serbisyo nila ang money transfer.

Noong Hulyo 31, nakatanggap siya ng tawag sa isang taong nagpanggap na empleyado ng isang electronic wallet company.

Kahit alam niyang hindi dapat ibigay ang one time PIN (OTP) kahit kanino, napilit pa rin siya ng kausap niya na ibigay ito.

"Yung pag-instruct niya po kasi sa akin, medyo mabilis. Pati po ako natataranta na rin po. Tapos nawala sa isip ko na naibigay ko yung OTP."

Pagkatapos ng tawag, nalimas na ang P130,000 mula sa tindahan ni Ann. 

Ayon sa kompanya ng e-wallet, na-withdraw ang pera sa San Pedro, Laguna.

Isa lang si Ann sa maraming biktima ng tinatawag na phishing scam kung saan tumatawag, nagte-text, o nag-e-email ang mga manloloko para makakuha ng mga sensitibong impormasyon sa mga biktima katulad ng bank account details at OTP.

Ayon sa PNP anti-cybercrime group, isa ito sa mga karaniwang krimen ngayong panahon ng pandemya.

Kaya ang e-payment wallet na PayMaya, mas lalong pinaigting ang kampanya kontra sa scam lalo't maraming scammer ang tinatarget ang mga tumatanggap ng ayuda gamit ang e-wallet.

Payo nila para manatiling ligtas ang electronic transactions:

  1. Huwag ibigay ang PIN o OTP kahit kanino
  2. Siguraduhing pribado at ligtas ang internet connection na ginagamit pag magbubukas ng e-payment app
Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.