Ospital sa Bago City ‘di muna tatanggap ng pasyente; 1 doktor may COVID-19

Martian Muyco, ABS-CBN News

Posted at Aug 13 2020 03:37 PM

Hindi muna tatanggap ng mga pasyente ang Bago City Hospital matapos na magpositibo ang isang doktor nito. Martian Muyco, ABS-CBN News


Pansamantalang hindi muna tatanggap ng pasyente ang Bago City Hospital sa Negros Occidental matapos na magpositibo ang isa nilang doktor sa coronavirus disease 2019 (COVID-19).

Ayon kay Bago City Mayor Nicholas Yulo, Miyerkoles ng gabi nagsimulang mag-disinfect sa ospital.

Ayon kay Dr. Allan Abayon, hospital chief, nagtatrabaho din bilang company physician sa isang Business Process Outsourcing company sa Bacolod City ang nagpositibong doktor.

Huli umanong nag-duty ang doktor noong Agosto 6 kung saan binisita pa nito ang tatlong ward ng ospital.

Sinimulan na ang contact tracing pati na sa mga pasyente na na-admit sa ward noong Agosto 6.

May 35 na hospital staff naman ang isinailalim noong Miyerkoles sa swab test. Walong iba pa ang nakatakdang dumaan sa COVID-19 test.

Sabi ni Abayon, bukas pa rin ang emergency room ng ospital pero tanging emergency cases at ang may mga malubang karamdaman lamang ang tatanggapin.

Inaasahang magbabalik sa normal na operasyon ang ospital sa Lunes.