Mga OFW hati sa desisyong umuwi matapos ang pagsabog sa Beirut

ABS-CBN News

Posted at Aug 13 2020 11:29 AM | Updated as of Aug 13 2020 11:30 AM

Watch more on iWantTFC

MAYNILA - Hati ang ilang overseas Filipino workers (OFWs) sa Beirut, Lebanon hinggil sa desisyong pag-uwi sa Pilipinas matapos ang malagim na pagsabog na kumitil sa buhay ng higit sa 200 katao at ikinasugat ng libu-libong iba pa noong Agosto 4.

“'Yung iba may gustong umuwi, ang iba gustong mag stay dahil mahirap ang umuwi, ano magiging sitwasyon pag-uwi,” pahayag ni Irma Fontanilla Reyes, isang OFW sa Beirut. 

Ayon kay Reyes, maraming OFW ang napakahirap ang sitwasyon ngayon dahil nawalan ng trabaho matapos na wasakin ng pagsabog ang mga establisimyento at gusaling pinapasukan.

Apat na Pilipino ang namatay, 42 ang sugatan, habang 1 pa ang nawawala matapos ang pagsabog sa isang warehouse sa pantalan sa Beirut na sinasabing dahil sa nakaimbak na ammonium nitrate.

“'Yung mga nagtatrabaho sa restaurant, wala na silang trabaho, katulad ng kaibigan ko huminto po siya ng trabaho pero nag-apply sila ng repatriation. Marami din nawalan ng trabaho kasi ang mga bahay ng kanilang mga amo nawasak,” aniya sa panayam ng Teleradyo.

Dagdag niya na hindi lahat ay mapapauwi kaagad sa ilalim ng repatriation program ng gobyerno dahil ang mga naunang nagpalista ang inuuna kasama na din dito ang mga nadamay sa pagsabog.

“Ako po, tuloy-tuloy pa rin ang pagtatrabaho naming magkakapatid pero marami po sa aming mga OFW dito ang nawalan ng mga trabaho so talagang naghihirap, walang pambili ng pagkain,” sabi niya.
 
Tinatayang nasa 33,000 ang mga OFW na nagtatrabaho sa Lebanon, ayon sa Overseas Workers Welfare Administration. Karamihan dito ay domestic workers.