Lebel ng tubig sa Angat Dam bahagyang tumaas, suplay ng tubig sapat: NWRB

ABS-CBN News

Posted at Aug 13 2020 10:36 AM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA - Nakatulong nang bahagya ang mga pag-ulang dala ng mga weather disturbances kamakailan para madagdagan ang tubig sa mga dam, ayon sa National Water Resources Board (NWRB).

“Sa ngayon, itong mga huling araw nang pag-uulan nakatulong po, nakarekober kahit bahagya 'yung mga dam natin, partikular ang Angat Dam,” sabi ni NWRB Executive Director Sevillo David.

Sa panayam sa ABS-CBN Teleradyo, sinabi ni David na halos 183 meters na ang lebel ng tubig sa Angat Dam, mataas ng tatlong metro sa minimum operating level nito.
 
“Sana kahit papaano magpatuloy ang pag-ulan sa watershed ng Angat para madagdagan at mabigyan nang kasiguraduhan ang supply ng tubig sa buong taon at hanggang sa susunod na taon,” sabi niya.

Bagama't wala pang nakikitang kakulangan sa supply ng tubig sa ngayon, panawagan ni David na sana magtipid pa rin at gamitin ito sa tama.

Inaasahan rin niyang magiging maganda ang lebel ng tubig na maiipon bago magtapos ang taong ito.

“Ang tinitingnan natin dapat mga 212 [metro] 'yan. Malayo-layo pa tayo sa 212 level bago magtapos ang taon. Ito ang kailangan natin para mabigyan ng kasiguraduhan ang pangangailangan ng water supply natin hanggang sa summer po, pati na rin po para sa irigasyon,” sabi niya. 

Pangunahing water source ng Metro Manila ang Angat Dam.