Barangay sa Caloocan, isasailalim sa total lockdown

Lyza Aquino, ABS-CBN News

Posted at Aug 13 2020 08:55 AM | Updated as of Aug 13 2020 10:48 AM

MAYNILA (UPDATED) - Isasailalim sa isang linggong total lockdown ang Barangay 128 sa Caloocan City simula Biyernes, Agosto 14 matapos na makapagtala ng 22 active cases ng COVID-19 sa lugar.

Ayon kay Caloocan City Mayor Oscar Malapitan, ipatutupad ang lockdown para magbigay-daan sa isasagawang mass testing at contact tracing sa lugar.

Nakatakda rin anila silang mamigay ng food packs sa mga apektadong residente bago ang lockdown.
 
Hindi muna papayagang lumabas ang mga residente maliban na lamang sa mga medical frontliners o kapag may medical emergencies. 

Lahat ng mga magpopositibo sa isasagawang mass testing ay agad dadalhin sa mga isolation facilities ng lungsod.

Samantala, nasa 3,324 na ang kabuuang bilang ng mga naitala COVID-19 cases sa lungsod, kung saang 1,706 sa mga ito ang nakarecover na sa sakit.