PatrolPH

6 anyos na lalaki alok ang school supplies, gatas sa mga kapwa bata sa Bulacan

Josiah Antonio at Annalyn Rebecca Eisma, ABS-CBN News

Posted at Aug 13 2020 08:11 PM

6 anyos na lalaki alok ang school supplies, gatas sa mga kapwa bata sa Bulacan 1
Alok ng 6 anyos na si Don Rishmond Cerbito ang school school supplies at gatas sa kanilang lugar sa San Jose Del Monte, Bulacan. Mga larawan mula kay Donna Fe Cerbito

MAYNILA — Imbes na humiling ng mga laruan, bagong damit, o gadget sa kaniyang mga magulang, pinili ni 6 anyos na batang si Don Rishmond Cerbito, o Monmon, na mamigay ng school supplies para sa mga bata sa San Jose Del Monte, Bulacan.

Ayon sa ama ni Monmon na isang overseas Filipino worker (OFW) sa Middle East, nakipagtulungan sila sa Barangay Citrus, Sapang Palay, kung saan nakatira ang kaniyang pamilya, para mamahagi ngayong Huwebes ng plastic envelope na may lamang pencil, eraser, sharpener, crayons, at papel sa mga incoming Kinder hanggang Grade 3 students.

Nitong mga nakaraang buwan, gatas naman ang kanilang ipinamahagi, ayon pa sa 29-anyos na ama ni Monmon na ayaw magpabanggit ng kaniyang pangalan sa artikulong ito.

Sinabi ng ama ni Monmon, kahit na kumikita lamang siya ng US$450 kada buwan, at P2,000 naman ang kaniyang asawa mula sa online selling, sinunod nila ang hiling ng kanilang anak.

"Nung time po [na] nag-start 'yung pandemic, nakita n'ya po sa Facebook 'yung mga batang dumedede ng tubig na may asukal lang at kape," kuwento niya sa ABS-CBN News.

"Hindi naman po kasi kami mayaman... 'Yung anak ko lang po kasi nag-request sa'min na tulungan namin yung mga batang nangangailangan sa lugar namin," dagdag pa niya. 

Masaya naman ang ama ni Monmon sa naisin ng kanyang anak at hangad nilang tumulong pa sa iba kahit ito'y mula pa sa kanyang sahod. 

"Natuwa po kasi ako sa anak ko. Sa murang edad n'ya po, nagkaroon s'ya ng concern sa kapwa bata n'ya ... Kaya sinuportahan po namin s'ya sa gusto n'ya," aniya.

"Dapat may pakialam tayo sa mga taong nasa paligid natin ... dahil kung anong gagawin mo, 'yun 'yung matutunan din ng anak mo."

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.