'Paniningil ng environment charge ng Maynilad, Manila Water dapat nang itigil'

ABS-CBN News

Posted at Aug 13 2019 08:23 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Dapat nang tigilan ng Maynilad at Manila Water ang paniningil sa kanilang mga kostumer ng environment charge dahil sa kabiguan ng mga concessionaire na magtayo ng mga sewerage system, ayon sa mga grupo. 

Inihirit din ng mga grupong Bayan Muna at Laban Konsyumer na isauli ng mga concessionaire sa mga konsumer ang environment change na siningil noon.

"Bakit natin babayaran 'yan ngayon na naman, na hindi man lang nila natupad 'yong mga pangako nila?" ani Bayan Muna Chairperson Neri Colmenares.

"Kung itutuloy natin ang pagbabayad doon, hindi naman natin natatanggap pala iyong serbisyo so hindi po fair 'yon sa mga consumer," ani Laban Konsyumer President Vic Dimagiba.

Ang environment charge ay para sa sewerage system na bigo umanong gawin ng mga concessionaire.

Ang kabiguang ito ang dahilan kung bakit pinagmulta ng Korte Suprema ng P1.8 bilyon ang Maynilad, Manila Water, at regulator na Metropolitan Waterworks and Sewerage System.

Sa datos ng MWSS, mula 1997 hanggang 2018, umabot na sa tig-P30 bilyon ang nakolektang environment charge sa lahat ng kostumer ng Maynilad at Manila Water.

Pero nagawa naman daw ang mga sewerage, septage, at watershed management pero kaunti pa lang ang nasasakupan ng mga ito.

"Fifteen percent po sa Manila Water, 20 percent sa Maynilad," ani MWSS Chief Regulator Patrick Ty.

"In order for us to reach that 100 percent for the entire Metro Manila, kailangan natin ng mga P200 billion," dagdag ni Ty.

Tumanggi munang magsalita ang MWSS sa hirit na tigil-singil sa environment charge.

Tiniyak naman ng MWSS-Regulatory Office na hindi puwedeng ipasa ng Maynilad at Manila Water sa kanilang kostumer ang multang ipinataw ng Korte Suprema.

-- Ulat ni Alvin Elchico, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.