NBI intel officer arestado sa tangkang panunuhol ng pulis

ABS-CBN News

Posted at Aug 13 2019 05:06 AM | Updated as of Aug 13 2019 08:00 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA—Inaresto ng Makati City police Lunes ng gabi ang isang intelligence officer ng National Bureau of Investigation (NBI) matapos umanong magtangkang aregluhin ang kaso ng kaniyang tiyuhin.

Sa kulungan tuloy ang bagsak ni Monakiram Batabor kasama ang kaniyang tiyuhin na nahuli sa buy-bust operation.

Kita sa video ang pagpapakita ni Batabor ng mga ID sa pulis. Nakikiusap umano siyang "arborin" o palayain ang tiyuhin.

Kinumpiska ang service firearm ni Batabor na napag-alamang nakadestino sa Caraga Region.

"Sinasabihan ko 'yan, 'Tito, mapapahamak ako riyan,'" ani Batabor.

Naaresto ang kaniyang tiyuhin at 7 iba pa sa buy-bust operation sa Barangay Guadalupe Nuevo. 

Naaktuhan ang kaniyang tiyuhin na gumagamit umano ng droga sa hinihinalang drug den.

Kakasuhan ng obstruction of justice at paglabag sa Republic Act 3019 o Anti-Graft and Corrupt Practices Act si Batabor habang kasong droga ang isasampa sa kaniyang tiyuhin at 7 iba pa.—Ulat ni Lady Vicencio, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.