MMDA, Transport officers nagisa sa bus ban hearing sa Senado

ABS-CBN News

Posted at Aug 13 2019 07:34 PM | Updated as of Aug 14 2019 12:24 AM

Watch more in iWant or TFC.tv

Pinutakte ng reklamo at batikos ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) at Department of Transportation (DoTr) sa pagdinig sa Senado sa planong provincial bus ban sa EDSA at sa tila pagbigat ng trapiko sa Kamaynilaan. 

Unang pinuna ni Sen. Sherwin Gatchalian ang umano'y kakulangan ng MMDA sa paghahanda para sa bus ban. 

"I'm going to give a grade of A, to Usec (MMDA Undersecretary) Jojo (Garcia), to the MMDA for the effort and D for preparation,” ani Gatchalian sa pagdinig nitong Martes. 

Para naman kay Camarines Sur Rep. LRay Villafuerte, "anti-poor" kung ituring ang provincial bus ban lalo na para sa mga taga-probinsiya na gagamit ng mga tatanggaling bus. 

Mungkahi niya na dapat payagan sa EDSA sa mga non-peak hours ang mga bus imbes na tuluyang paalisin ang mga ito sa EDSA. 

"As a probinsiyano, a simple solution while we have have this interim is why don’t we ban provincial buses and only allow them in non-peak hours such as 2 a.m. to 4 a.m.?" aniya. 

Maaalalang ipinaubaya ng MMDA sa bus operators ang paglahok sa bus ban, na pinigil ng isang korte sa Quezon City. 

Pero depensa ni MMDA General Manager Jojo Garcia na luluwag ang trapiko kung hindi lang hinarang ng korte ang kanilang plano. 

Giit niya na nasa 380,000 sasakyan ang dumaraan sa EDSA araw-araw—3,500 dito ang provincial buses. 

Tiniyak pa ni Garcia na maglalagay naman sila ng mga P2P (point-to-point) buses sa mga terminals na sasalo sa mga taga-probinsiya.

"As I am saying, iyong terminal hindi 'yon final destination ng mananakay. Pagdating sa terminal, lilipat din yan... 'yong mga kababayan nating may mga bitbit, dala nakaupo sa karton at nag-aabang ng sasakyan nila. Umuulan, walang bubong, nababasa," ani Garcia. 

Ayon naman kay Transportation Undersecretary Mark De Leon, layon naman nilang maglagay ng dagdag na mga bus stop pero kulang pa aniya ang pondo para rito. 

Pero nagpaalala si Foic Serna, ng commuter's group na Move Manila, katumbas ng tatlong kotse ang isang bus na makakapaglipat ng 47 na pasahero. 

Para naman kay Jedd Ugay, co-founder ng AltMobility PH, dapat pagtuunan ng pansin ang kapakanan ng mga commuter. 

“We are focusing too much on vehicle travel time, which is just one half of the picture. We should look at the commuter experience. If we only look at traffic, our policies would be short-sighted,” sabi ni Ugay. 

Pinuna naman ni Sen. Grace Poe, chairman ng komite sa public services, ang hindi pagsipot ni MMDA Chairman Danilo Lim dahil nagpunta raw ito sa pagpirma ng isang memorandum of agreement.

Hindi rin sumipot si Transportation chief Arthur Tugade sa pagdinig. 
 
"Ano ba naman iyung pirmahan nila nang 5 minuto at pumunta rito?" she said.

"Bago pumunta sa ibang bansa, gawin muna ang pag-iimbita doon, ayusin muna natin ang ating sariling kalat sa ating bansa. Sa ating mga kalihim, maayos ang pag-iimbita sa inyo, ayaw nating abusuhin ang kapangyarihan ng Senado kung pupunta naman... kailangan pa bang subpoena?" ani Poe. 

ELEVATED WALKWAYS, NO PARKING NO CAR

Kani-kaniya namang mungkahi ang mga senador, gaya ni Senate President Vicente "Tito" Sotto III na ilipat sa labas ng Metro Manila ang mga sasakyan. 

Para naman kay Senate Majority Leader Migz Zubiri, dapat nang magpatayo ng mga elevated walkway, na sinang-ayunan ni De Leon.

Para naman kina Gatchalian at Sen. Joel Villanueva, dapat nang maaprubahan ang "no parking, no car" policy. 

Nagrekomenda naman si Poe na maglagay ng interim terminal sa Metro Manila at hindi sa labas ng Kamaynilaan. 

Pabor din si Poe na pagbigyan ang planong dry run ng MMDA ng kahit ilang araw lang para malaman talaga kung epektibo ito o hindi. 

"Sana pagbigyan sila ng korte... kung ang dry run na 'yun ay dalawang araw o isang araw. Para makita talaga nila kung gagana 'yan," ani Poe. 

Nakiusap naman ang Palasyo sa publiko na bigyan ng tsansa ang MMDA na maipatupad ang mga programang ito bago husgahan. 

--Ulat ni Sherrie Ann Torres, ABS-CBN News 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.