Kahera sa bilihan ng burger 'sinakal, hinoldap' ng lalaki sa QC

ABS-CBN News

Posted at Aug 13 2019 05:23 PM | Updated as of Aug 13 2019 08:10 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Naaresto sa Quezon City ang isang lalaki na itinuturong nangholdap at nanakal ng isang kahera ng kainan sa Fairview.

Ayon sa pulisya, naglilinis ang biktimang si alyas "Sarah" nitong Lunes nang pasukin ng suspek ang pinapasukang burger station.

Sinubukan pa umanong sakalin ng suspek ang kahera nang magmakaawa ito.

"Nagmamakaawa ako sa kaniya, sinakal pa rin niya ako. Nasipa ko lang po siya," kuwento ni Sarah.

Nang may makasaksi na, agad na tumakbo ang suspek pero naaresto rin ito.
 
Ayon kay Lt. Col. Carlito Mantala, hepe ng Quezon City Police District Station 5, target umano ng suspek ang mga babaeng walang bantay.

Naitago ng kahera ang malaking halaga ng perang kinita ng burger station kaya umabot lang sa higit P100 ang nanakaw ng suspek.

Inaalam din kung may kasama ang suspek nang mangyari ang krimen.

Desidido naman ang biktima na sampahan ng mga kaso ang suspek. Inaalam din ng QCPD kung dati na ba itong nakasuhan.

-- Ulat ni Doland Castro, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.