Kababayang nagkabit ng posas sa Chinese na nasawi sa Las Piñas tukoy na

ABS-CBN News

Posted at Aug 13 2019 05:19 PM | Updated as of Aug 13 2019 09:30 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Tukoy at kinasuhan na ng Las Piñas police ang Chinese supervisor na naglagay ng posas at nagkulong umano sa kaniyang kapwa Chinese noong nakaraang linggo.

Natagpuang patay noong umaga ng Biyernes ang biktimang si Yang Kang nang mahulog mula sa ika-6 na palapag ng isang gusali sa Las Piñas matapos umano siyang ikulong ng kaniyang supervisor na kinilalang si Yun Xiang Li, alyas "Shiba."

Kinasuhan ng serious illegal detention nitong Martes sa Las Piñas Prosecutor's Office ang suspek, na patuloy na tinutugis, ayon kay Col. Simnar Gran, hepe ng Las Piñas police.

Kinabit ng suspek ang posas sa isang kamay ng biktima at sa grill ng bintana ng gusali dahil hindi raw nakabayad ang biktima sa inutang nitong pasahe sa suspek.

Ayon pa kay Gran, patuloy na iniimbestigahan ng pulisya ang profile ng kompanyang pinagtatrabahuhan ng 2 Chinese.

Sa kaniyang Twitter, sinabi ni Foreign Affairs Teodoro Locsin Jr. na dapat mabigyan ng katarungan ang pagkamatay ng biktima kundi ay pagbabayaran ito ng mga Pinoy na nasa China.

Nanawagan naman ang Chinese Embassy sa gobyerno na magsagawa ng patas na imbestigasyon at panagutin ang may sala.

Nakikipagtulungan naman ang pulisya sa Bureau of Immigration para makuha ang iba pang detalye ng 2 Chinese.

Nauna nang magpahayag ng pagkaalarma ang Malacañang sa nangyari.

-- Ulat ni Angel Movido, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.