Biruan nauwi sa pananaga sa Caloocan; 1 patay, 1 sugatan

ABS-CBN News

Posted at Aug 13 2019 05:08 AM

MAYNILA—Patay ang isang lalaki habang sugatan ang kaniyang kaibigan matapos silang pagtatagain ng kanilang kapitbahay sa Barangay Bagong Silang, Caloocan City Lunes ng hapon.

Kinilala ang namatay na si Junjun Recto na tinamaan sa kaniyang tagiliran habang nagtamo ng sugat sa kamay si Rodolfo Almonia.

Kusa namang sumuko ang suspek na nakakulong ngayon sa Police Community Precinct 3 ng Caloocan City police.

Ayon sa nakakita sa insidente, nagalit ang suspek nang madaanan ang mga biktima na nag-iinuman.

Pumasok ang suspek sa bahay at saka nagpatugtog ng malakas.

Nagbiro umano si Recto sa kaniyang kainuman na bibili siya ng amplifier para magpalakasan sila ng pagpapatugtog ng suspek.

"Marami na nagrereklamo sa kaniya. Lagi siyang dinadala sa barangay dahil sa gawa niya sa malakas niyang pagpapatugtog. Kahit hatinggabi, umaga, natutulog pa mga tao, patugtog siya malakas," kuwento ng isang residente.

Nagkasagutan ang 2 panig at nauwi ito sa pananaga ng suspek gamit ang mahabang itak.

Depensa ng suspek, ipinagtanggol lang niya ang sarili matapos umanong pumasok sa kaniyang bahay ang mga biktima na may dalang pamalong kahoy.

Nagsisisi siya sa kaniyang nagawa pero hindi sa pagpapatugtog ng musika.

Dahil kuwento niya, Christian songs ang kadalasang pinatutugtog niya na pampasaya at pampakalma.—Ulat ni Jervis Manahan, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.