Bata pinaghahanap matapos sakmalin ng buwaya sa Palawan

Rex Ruta, ABS-CBN News

Posted at Aug 13 2019 09:12 PM

Patuloy pang pinaghahanap ng awtoridad ang isang 10-taong gulang na bata na nawawala simula pa nitong Linggo matapos na sakmalin ng buwaya sa Barangay Salang, Balabac sa Palawan.

Ayon sa pulisya, nitong Lunes lamang naipagbigay-alam sa kanila ni Robinsio Suraping ang pagkawala ng kaniyang anak na si Mil Hassan.

Kwento umano nito sa tauhan ng Palawan Council for Sustainable Development (PCSD), sakay ng maliit na bangka ang kaniyang tatlong anak para bumili ng asukal at kape sa tindahan na nasa kabilang ilog.

Pero ang nakauwi na lamang ay ang dalawang nakatatandang kapatid. Sila ang nagsabi na sinakmal raw ng buwaya sa tagiliran si Mil Hassan saka hinila pailalim ng ilog at hindi na lumutang pa ulit.

Naninirahan ang pamilya sa Barangay Catagupan at mayroong seaweed farm sa Barangay Salang.

“Ngayon sa kanilang pag-uwi, pagbalik nila sa bahay nila sa laot doon nakagat si Mil Hassan. Ito ay nakita ng isa sa kaniyang mga kapatid at siya ay inatake raw habang kasalukuyang umaakyat sa hagdan ng bahay na nasa laot,” sabi ni Forester Jovic Fabello, tagapagsalita ng PCSD.

Umaasa naman ang pamilya na matatagpuan pa rin ang katawan ng bata para mabigyan ng maayos na burol.

Hindi ito ang unang pagkakataon na may nasakmal ng buwaya. Nobyembre taong 2017 nang sakmalin rin ng buwaya ang 12 anyos na si Esnida Ladja. Hindi pa rin nakikita ang bangkay nito hanggang ngayong.

Nasundan ito noong Pebrero 2018 kung saan ang 37 anyos na tiyuhin naman nitong si Rebente Ladja ang natagpuang patay rin sa ilog dahil rin sa pag-atake ng buwaya.

Disyembre ng mahuli ang may 16 talampakang buwayang pinangalanang si Singko sa Poblacion ng Balabac na itinuturong umatake at pumatay rin sa isang mangingisda.

Plano naman ng PCSD at Department of Environment and Natural Resources na mapabilis ang pagdedeklara ng crocodile sanctuary sa Catagupan.

“Ang problema kasing na-identify namin ay ang water use o 'yung paggamit ng tubig, mapa-ilog man o mapa-dagat. Dahil siyempre, doon din daw ang livelihood nila and at the same time, kailangan din nila ng tubig pang-igib, pang-inom at marami pang gamit. Actually, nasa pilot draft na 'yung action plan,” sabi ni Fabello.

Ito raw ang paraan para parehong maprotektahan ang buhay ng mga tao at mga buwayang naninirahan sa ilog.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.