Basura mula South Korea na nasa Misamis Oriental, nasunog

Joey Taguba Yecyec, ABS-CBN News

Posted at Aug 13 2019 12:22 AM

Natupok ng apoy ang nakatambak na basura sa loob ng planta ng Verde Soko sa bayan ng Tagoloan, Misamis Oriental nitong Lunes ng hapon.

Nagtulong-tulong ang mga rumespondeng bombero para maapula ang apoy.

Maliban sa malakas ang hangin, lalong nahirapan ang mga bombero na maapula ang apoy dahil karamihan sa mga basura ay plastik na madaling masunog.

Agad nagsagawa ng fireline ang mga bumbero gamit ang backhoe at payloader para hindi madamay at masunog ang iba pang mga basura.

Ayon kay Police Sergeant Manny Salomabao, napansin nila na biglang may usok sa likod na bahagi ng mga naka-imbak na basura kaya agad silang tumawag ng bombero.

"Parang grass fire yata siguro 'yan dahil sa sobrang init ng panahon kaya siguro nangyari 'yun. Siguro nung na-trigger na 'yung apoy, lumakas nang lumakas...Dun na nagsimula kaya tumawag kami ng bumbero," aniya.

Pero hindi mapigilan ni Mayor Gober Sabio na pagalitan ang mga bombero dahil hindi agad nakatawag ng back-up.

"Medyo makasabi ako sa aking sarili na kwestyunable ang pagkasunog... Wala namang bahay sa loob [ng compound], wala ring mga tao na makapasok sa loob dahil may bakod," giit ng alkalde.

Plano ni Sabio na paimbestigahan ang insidente.

Inaalam pa ng mga bumbero kung gaano karaming mga basura ang nasunog.

Nakatakda sanang ibalik sa South Korea ang tone-toneladang basura nitong buwan ng Agosto matapos malamang walang dokumentong maipakita ang kumpanyang Verde Soko na siyang nag-angkat sa mga ito.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.