Bangkay ng bata natagpuan matapos sakmalin ng buwaya sa Palawan

Rex Ruta, ABS-CBN News

Posted at Aug 13 2019 10:23 PM | Updated as of Aug 14 2019 07:27 PM

Nahanap na ang bangkay ng isang 10-taong gulang na bata na nawawala simula pa nitong Linggo matapos na sakmalin ng buwaya sa Barangay Salang, Balabac sa Palawan.

Nahanap ng mga awtoridad ang ulo at kanang binti ng biktima sa isang isinagawang search and rescue operation sa ilog ng Balabac.

Watch more in iWant or TFC.tv

Ayon sa ama ng biktima, sakay ng maliit na bangka ang kaniyang tatlong anak para bumili ng asukal at kape sa tindahan na nasa kabilang ilog.

Pero ang nakauwi na lamang ay ang dalawang nakatatandang kapatid. Sila ang nagsabi na sinakmal raw ng buwaya sa tagiliran ang biktima saka hinila pailalim ng ilog at hindi na lumutang pa ulit.

Naninirahan ang pamilya sa Barangay Catagupan at mayroong seaweed farm sa Barangay Salang.

“Ito ay nakita ng isa sa kaniyang mga kapatid at siya ay inatake raw habang kasalukuyang umaakyat sa hagdan ng bahay na nasa laot,” sabi ni Forester Jovic Fabello, tagapagsalita ng PCSD.

Hindi ito ang unang pagkakataon na may nasakmal ng buwaya. Nobyembre taong 2017 nang sakmalin rin ng buwaya ang 12 anyos na si Esnida Ladja. Hindi pa rin nakikita ang bangkay nito hanggang ngayong.

Nasundan ito noong Pebrero 2018 kung saan ang 37 anyos na tiyuhin naman nitong si Rebente Ladja ang natagpuang patay rin sa ilog dahil rin sa pag-atake ng buwaya.

Disyembre ng mahuli ang may 16 talampakang buwayang pinangalanang si Singko sa Poblacion ng Balabac na itinuturong umatake at pumatay rin sa isang mangingisda.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.