ALAMIN: Mga batas na nagbabawal sa mga opisyal na 'tumanggap' ng regalo

ABS-CBN News

Posted at Aug 13 2019 05:28 PM | Updated as of Aug 13 2019 06:13 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Maaaring parusahan alinsunod sa batas ang mga opisyal na tatanggap ng mga regalo, ayon sa isang abogado.

May tatlong batas na nagbabawal sa mga opisyal na tumanggap ng mga regalo, ayon kay Atty. Noel Del Prado sa "Usapang de Campanilla" nitong Lunes.

Ito aniya ang Presidential Decree 46, Republic Act (R.A.) 3019 o Anti-Graft and Corruption Practices Act, at R.A. 6713 o Code of Ethical Conduct of Government Employees.

Pinaparusahan sa mga naturang batas ang mga tatanggap at magbibigay ng regalo.

Ayon sa R.A. 6713 at R.A. 3019, ang "gift (regalo)" ang isang bagay na ibinibigay bilang pasasalamat (gratuity) o paghiling ng utang na loob.

Paliwanag ni Del Prado, iniiwasan ng batas ang "conflict of interest" na maaaring mabuo sa pagtanggap ng ano mang regalo.

"Kasi dapat sa serbisyong publiko, ang lahat ng ginagawa mo sa pagtupad ng tungkulin ay naaayon sa tama, sa patas na pagtingin sa lahat, at tapat na pagtupad sa tungkulin," paliwanag ni Del Prado.

Kulong at multang aabot ng 1 hanggang 10 taon ang maaaring ipataw sa sino mang opisyal na tatanggap o magbibigay ng regalo.

Maaalalang binanggit ni Pangulong Rodrigo Duterte sa isang talumpati nitong Biyernes na kalokohan ang pagbabawal sa mga pulis na tumanggap ng regalo.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.