8 Koreano timbog sa pagkakasangkot umano sa credit card fraud, droga

ABS-CBN News

Posted at Aug 13 2019 07:38 PM

Arestado ang 8 Korean national dahil sa umano'y ilegal na paggamit ng mga credit card at pag-iingat ng ilegal na droga, sabi ngayong Martes ng National Bureau of Investigation (NBI).

Sa bisa ng search warrant, sinalakay ng mga operatiba ng NBI ang tinutuluyan ng mga suspek sa Angeles City, Pampanga.

Gumagamit umano ang mga suspek ng mga nakaw na credit card at password machine para makuha ang pera sa mga bank account ng kanilang mga biktima, ayon sa NBI.

Nakukuha ng mga suspek ang personal at pinansiyal na impormasyon ng kanilang mga biktima gamit ang telepono, ayon sa NBI.

Nakumpiska mula sa mga suspek ang mga laptop, router at iba pang gadget.

Nakuhanan din ang mga suspek ng ilang sachet ng shabu at ilang gramo ng marijuana.

Natuklasan ng mga awtoridad na halos isang taon nang nago-operate sa bansa ang mga suspek, na dumating dito bilang mga turista.

Ang isa sa mga suspek na kinilalang si Kim Tae Yang ay wanted umano ng International Criminal Police Organization (Interpol) dahil sa hiwalay na kaso sa South Korea.

Mahaharap ang mga suspek sa mga kasong paglabag sa Access Devices Regulation Act of 1998 at Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002. -- Ulat ni Johnson Manabat, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.