2 arestado sa drug bust sa Las Piñas City

Jekki Pascual, ABS-CBN News

Posted at Aug 13 2019 11:31 AM

MAYNILA - Arestado ang isang Korean national at kasamahang Pilipino matapos mahulihang sabay na gumagamit ng droga sa Las Piñas City, Lunes ng hapon.

Ayon kay Police Corporal Benigno Baladjay, nagsagawa ng Oplan Galugad ang Las Piñas Police Community Precinct 2 sa Bernabe Compound sa Barangay Pulang Lupa kung saan nahuli sa akto ang 2 suspek.

Napag-alamang 40-anyos ang edad ng dayuhan na mula sa ibang barangay. Inaalam na ang status ng dayuhan sa Pilipinas.

Ang kasama naman nitong 35-anyos na Pilipino ay isang construction worker, ayon sa mga pulis.

Nakuha sa dalawang suspek ang isang sachet ng hinihinalang shabu at aluminum foil strip, improvised tooter at disposable lighter.

Nahaharap na ngayon sa kasong paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Acts ang dalawang suspek.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.