San Mateo, Rizal isinailalim na sa state of calamity

ABS-CBN News

Posted at Aug 13 2018 12:52 PM | Updated as of Aug 13 2018 06:39 PM

Sinusubukang isalba ng mga residente ang mga gamit sa kanilang mga bahay na nalubog sa baha sa Barangay Banaba, San Mateo, Rizal. Fernando G. Sepe Jr., ABS-CBN News

MAYNILA (UPDATED) — Isinailalim sa state of calamity ang bayan ng San Mateo, Rizal dahil sa pinsalang iniwan ng mga pag-ulang dala ng habagat.

"Ang bayan po ng San Mateo ay under state of calamity po," sabi sa DZMM ngayong Lunes ni Vic Tomazar, incident commander sa municipal disaster office.

Labindalawa sa 15 barangay ng bayan ang naapektuhan ng masamang panahon habang 27,493 indibidwal, o 5,680 pamilya naman ang lumikas mula sa kanilang mga tahanan, ayon kay Tomazar.

Pero marami pa umanong lumikas na hindi tumuloy sa evacuation center at nakitira sa kanilang mga kaanak.

Lumikas sa isang evacuation center ang ilang residente ng San Mateo, Rizal matapos malubog sa baha ang kanilang mga bahay dahil sa pag-ulang dala ng habagat. Mark Demayo ABS-CBN News

"Almost 80 percent ng ating bayan ng San Mateo ay naapektuhan," aniya.

Tumaas noong hatinggabi ng Linggo sa hanggang 23.14 metro ang river level sa bayan, lagpas sa 20-meter critical level.

QUARRYING, PINASUSUSPENDE

Inihayag naman ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) nitong Lunes ang balak nitong ipasuspende ang quarrying operations sa mga bundok ng San Mateo at Rodriguez, Rizal matapos malubog sa baha ang mga karatig-lugar gaya ng Metro Manila.

Ipag-uutos din ni DENR Secretary Roy Cimatu ang paglinis sa mga ilog na dumadaan sa mga naturang lugar para maiwasan ang pag-apaw ng tubig at pagbaha.

"We will suspend muna 'yong operations ng mga quarrying doon sa area na 'yan. We'll be going to do dredging na lang nang mapalalim naman nang kaunti 'yong level ng bottom ng tubig kasi umakyat na eh. Para hindi na masyadong mataas pagbaha dun," ani Cimatu.

-- May ulat ni Kevin Manalo, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.