Meycauayan, isinailalim sa state of calamity; 50,000 lumikas

ABS-CBN News

Posted at Aug 13 2018 08:13 PM

Nagdeklara ng state of calamity sa lungsod ng Meycauayan, Bulacan dahil sa pinsalang iniwan ng mga pag-ulang dala ng habagat ng nagdaang weekend, ayon sa isang opisyal.

Ayon kay Rosario Gonzales ng city disaster office, sumabay kasi ang malakas na buhos ng ulan sa high tide sa kanilang lugar, dahilan para tumaas ang baha.

Labingwalo sa 26 barangay ang apektado at higit 50,000 residente ang nananatili umano sa apat na evacuation center.

Sa nagdaang weekend, nalubog sa baha ang ilang bahagi ng Metro Manila at mga karatig-lalawigan dahil sa pag-ulang dala ng habagat na pinalakas ng bagyong Karding.

Sa kasagsagan ng masamang panahon, dalawa ang nasawi habang isa ang naiulat na nawawala.

Umabot naman sa halos 250,000 pamilya ang naapektuhan ng pag-ulan sa Metro Manila, Ilocos Region, Central Luzon, Calabarzon at Cordillera Administrative Region.

Nauna nang isinailalim sa state of calamity ang bayan ng San Mateo, Rizal dahil na rin sa pinsalang iniwan ng masamang panahon.

Labindalawa sa 15 barangay ng San Mateo ang apektado habang higit 27,000 residente ang lumikas.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.