Tulak droga, 2 holdaper patay sa Caloocan

ABS-CBN News

Posted at Aug 14 2017 07:31 AM

MANILA - Napaslang ang isang hinihinalang droga at 2 umano'y holdaper matapos makipagbarilan sa mga pulis sa Barangay 176, Caloocan Lunes ng madaling-araw.

Ayon sa mga pulis, rumesponde sila sa lugar dahil sa sumbong ng purok leader na talamak ang bentahan ng droga roon.

Nang makarating sa barangay, nakipagbarilan agad umano sa kanila ang sinasabing notoryus na drug pusher na si Arturo Padua Jr. at mga kasamahan nito.

Napatay si Padua at nakuhanan ng 2 pakete ng shabu. Nakatakas naman ang kanyang mga kasama.

Pero habang nasa lugar, may nagsumbong umano sa mga pulis na doon din nakatira ang 2 holdaper.

Nakipaghabulan umano ang mga ito sa mga operatiba hanggang maabutan at mapatay sila sa kanilang bahay.

Nakilala ang 2 bilang sina Renz Quintia at ang tiyuhin ng kinakasama nitong si Arnold Platilla.

Narekober sa kanila ang isang sumpak, revolver, ilang pakete ng shabu at mga bag na pinaniniwalaang galing sa kanilang mga nabiktima.

Iginiit naman ng nobya ni Quintia na si Lyka Platilla na inosente ang mga napatay na suspek.

Nagtatrabaho aniya bilang latero si Quintia na ooperahan sana ngayong buwan dahil sa kanyang luslos.

"Pinasok lang nila sa loob, binaril nila ngayon kinasuhan pa? Sana hindi n'yo na lang pinatay," ani Platilla.

Tugon naman ni Chief Insp. Ronaldo Cayago, hepe ng Caloocal precinct 3, "Normal lang naman yun sa kamag anak na i-deny niya. Minsan kasi kinukunsinte."

Wala namang mga CCTV camera sa lugar na magbibigay linaw sana sa insidente. -- Ulat ni Jerome Lantin, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.